2007. Mainit. Tumatagos sa buto ang init. Hindi ko mawari ang pakiramdam. Tumatayo ang aking balahibo kapag dumadaloy ang pawis sa aking mga braso. Tila giniginaw ngunit hindi.
Naisip kong kagatin ang aking mga labi. Naghahangad na sana'y maramdaman ang hapding dulot nito upang maibaling ang nakapanlulumong pakiramdam ng init. Oo, lubhang mainit ang panahon. At ayokong lasapin ang parusang dulot nito.
Ngunit may pagpipilian ba? Kahit magsilbing bilanggo ang lamig na dulot ng makina sa silid, mahirap itong makaniig sa magdamag, sa maghapon, sapagkat bawat hapolos ng ginhawang hatid nito ay katumbas ng pawis na dumaloy sa iyong noo, mukha, katawan. Minsan pa nga'y dugo.
Ngayong araw na ito, mag-aagawan ang lamig at init. Rurok ng init, bungad ng tag-ulan. Magsasayawan ang mga palaka sa naipong tubig sa bitak na lupa. Ngunit ako'y nananatiling balisa. Giniginaw ngunit nag-aapoy ang kalooban.
Muli, hihintayin ko ang araw na ito. Hindi upang madama ang magkatunggaling init at lamig - ngunit upang makipagsaya sa awit ng mga palaka.
No comments:
Post a Comment