MARLON QUINTOS

stimulate your mind...
come and enter my world...

MARLON QUINTOS

15.6.07

HiSkul ReUnion Na!

Hay... Malapit na ang hiskul reunion namin... Hindi ko mawari kung dapat ko bang ikatuwa na 10yrs ago, e inaawit ko pa and "Hark children of the great St. Paul..." at "My goal as a Paulinian is this..." o dapat akong maghinagpis dahil ang edad ko ay malapit na sa late twenties (hanggang ngayon itinuturing kong mid-twenties and age ko hehehe).
Biruin mo, 10yrs na yun! Ambilis talaga ng panahon. Muli kong makakasalamuha ang mga ex ko... ex-classmates, ex-crushes, ex-friends, ex-enemies. Muli kong magugunita ang mga taong binigyan ko ng love letters at stuff toys, ng friendship bracelets at 1/4 sheet of paper. Makikita ko ulit yung mga taong hinawakan ko sa ulo habang bumubulong ng orasyon sa tuwing may retreat {na mas mukang field trip sa dami ng baong pagkain, inuming ispiritwal (alak in short), at ang pinakamagandang tuwalya}. At napansin nyo ba ang paggamit ko ng bracket at parenthesis sa nakaraang sentence, natutunan ko yan ng hiskul, sa algebra - ang paborito kong subject.
Medyo kinakabahan ako sa papalapit na reunion... Balita ko, pag may reunion, ang mga tao daw ay nagiging walking resume. Ang topic... dyaaaraaan... college school, course, work experience at current work. Dapat maganda ang sagot mo, kaimpress impress lalo na kapag ang kausap mo ay si milenyo (kung hindi mo siya killala, sya yung bagyong kadaraan lang) Kailangan puno ng awards, citations, medalya, sampaguita at promotions ang iyong bukambibig. Kaya ako bibitbitin ko ang binili kong bahay at lupa sa sementeryo. Bwahahaha
Pero masarap gunitain ang hiskul life, ang sabayang pagbigkas (well, grandslam lang namin kami, never natalo from 1st to 4th yr), cheering competetion (na ni minsan sa apat na taon na kasaysayan ng aming hiskul life ay hindi namin napanalunan), nutri-jingle contest na kung ngayon mo kakantahin ay super duper corny ang dating at ang nakakatuwang college at foundation day. At kung natutunan ang pag-uusapan, dito ko natutunan ng maraming bagay - Algebra, Trigonometry, Geometry, Biology, Chemistry, Physics, Noli at El Fili. Dito ko rin nakilala ang iba't ibang personalidad, si Tata Selo, Ibarra, Simon, Elias, Salome, Maria Clara, Dona Consolacion at Padre Damaso (hindi ko lang sila nakilala sa mga aklat ni Pareng Jose Rizal kundi sila rin ay naging mga guro ko sa hiskul, bahala na kayong mag-isip kung sinu-sino sila). Isa pang hindi ko malilimutan sa hiskul life ay ang nakamamanghang friendships na may halong drama at action... may mga nag-uumpugang barkadahan.
Bukod sa mga itunuturo sa classroom, marami pa akong natutunang magandang aral sa buhay nung hiskul ako.. Una, dapat lagi kang nagnonotes dahil may mga gurong nagchecheck ng notebook pagkatapos ng grading period. Pangalawa, kumain ng mabilis para hindi abutan ng bell during break time. Pangatlo, huwag gumamit ng lumang libro kahit pareho lang ang laman ng luma at bago kase iniiba nila ang page numbers, lagot ka na kapag sinabi ng titser na answer activity no. 2 on page 32. Pang-apat, mag-absent ka na kapag pangpitong late mo na para di ka bumagsak sa conduct. Panglima, ang pagkakaiba ng lengthwise at crosswise. Pang-anim, ang paggamit ng binder, filler, at sign pen. Pangpito, na ang magandang brand ng coupon bond ay Corona at kapag ballpen o sign pen naman ay Pilot. Kasama na jan ang aral na huwag ibabagsak ang Pilot na ballpen dahil hindi na ito susulat kahit sindihan mo ng lighter ang dulo nito. Pangwalo, masarap maging lider sa group projects dahil hawak mo lahat ang budget. Pangsiyam, mahirap gumawa ng project kapag ipapasa na kinabukasan. Pangsampu, na ang karamihan pala ng mga estudyante sa St. Paul ay anak ng mga kasambahay, yaya at labandera. Sila kase ang madalas dumarating kapag ipinapatawag ang parents sa office ng prinsipal. Ilan lang yan sa mga ginintuang aral na natutunan ko sa hiskul.
Marami ding first ang naranasan, natikman at naamoy ko nung hiskul. First time kong gumamit ng chit instead ng totoong pera para bumili ng piattos. First time ko ring gumamit ng Post-it na totoo, hindi yung gaya ng reseta ng doktor na nilalagyan ko pa ng glue. First time ko ring umatend ng formal na party gaya ng JS Prom. Dati kase nakikinuod lang ako sa mga pasayaw sa plaza kapag may canvassing ng Ms. Caoayan. First time ko ring umatend ng first friday mass nung hiskul. First time ko ring makakita ng living rosary at huwag na kayong magtaka kung bahagi ako ng rosaryong iyon. First time ko ring nalaman na ang tawag pala sa kandilang nakalagay sa pulang baso ay vigil candle. First time ko ring nagkaroon ng Bench na body spray nung hiskul ako. First time ko ring tinubuan ng pimples, yung talagang PIMPLES! kaya first time ko ring natutunan ang gumamit ng facial cleanser a.k.a. eskinol at astringent. First time ko ring naranasang umabot ng halos isang oras sa ilalim ng araw dahil sa napakahabang flag ceremony... pambansang awit, panatang makabayan, flag ceremony prayer, St. Paul Hymn, Announcements at Korean exercise... at kapag minamalas ka pa, ipapaulit pa ang "Bayang magiliw..." kapag hindi satisfied ang prinsipal sa rendition namin ng pambansang awit. First time ko ring magsuot on PE uniform, dati puting tshirt lang at magarang shorts at rubber shoes - PE na! First time ko ring maging bahagi ng human pyramid at mag-acrobatic sa harap ng maraming tao. At marami pang first time na hindi ko na matandaan.
Pero higit sa lahat, ang hindi ko makakalimutan ay mga taong bumubuo sa akin ngayon - ang mga Sisters of St. Paul, ang mga kapitapitagang guro, mga kamag-aral, guard, janitor, tindera sa canteen, at ng aking mga naging superfriends!
November 23, 2006 in Me, Myself and I

No comments: