Matagal din akong tumira sa Late (read: latian). Kung tutuusin, di naman kalayuan ito sa Maynila. Isang sakay ng jeep mula sa Malabon tapos ay punduhan na ng mga bangkang patungo doon. Ayon sa mapa ng Obando, ang lugar daw na iyon ay tinatawag na Sapang Tukol. Nasa hanggahan nito ang mga kalapit na Barangay Calistro at San Rafael at sa di kalayuan ay ang isang islang kung tawagin ay Binuangan. Sa kabilang ibayo naman ang bayan ng Navotas.
Iba sa Late (hindi namin tinatawag na Sapang Tukol ang lugar na iyon dahil mas nakasanayan na naming tawagin iyon na Late). Bagamat tanaw mo na ang Maynila mula sa bubong ng mga bahay doon, masasabi mo pa ring malayo sa kabihasnan. Kailan lang nalagyan ng linya ng kuryente ang lugar na iyon. Dati nagkakailaw lang ang mga bahay sa pamamagitan ng Coleman, ito yung ilaw na may gasa, nilalagyan ng alkohol at saka binobomba. Ang iba naman ay sa gasera lamang nagkakailaw. Minsan, nanunuod din kami ng TV na gumagana sa tulong ng baterya ng sasakyan. Pero madalang lang yun. Magastos kase sa baterya. Ang plantsa naman ay di-uling pa.
Tumira ako doon ng mga isang taon. Siguro, limang taon pa lang ako ng panahon na yon. Ewan ko pero ng mga panahong iyon, nabuhay kami ng walang refrigerator, walang vhs, walang magagarang laruan. Libangan na namin ang maglaro sa tabing ilog, manuod ng mga nagtatalunang hipon at isda, manilo ng kokomo, mamintol ng alimango, maghintay ng mga kalabukab (ahas sa tubig) na lumabas sa kanilang mga lungga, mamansing ng tilapya, magbilang ng higad sa mga puno ng api-api at bakawan, tumawid sa magkabilang pampang ng makitid na ilog lulan ng maliit na bangkang di-sagwan o kaya ay sa isang bangkang ginawa mula sa mga styrofoam na isinilid sa lambat o sako, manguha ng talangka at mag-abang ng mga inanod na tsinelas at styrofoam sa ilog. Mula sa mga inanod na tsinelas na ito, gumagawa kami ng mga pamaringas sa lutuang di-kahoy. Minsan naman ginagawa naming mumunting bangka ang mga gomang tsinelas at styrofoam. Tapos ay paanurin muli sa ilog para umaliw naman sa ibang nag-aabang ng mga ligaw na nilikha.
Makailang ulit ko ring tinawid ang mga malalawak na palaisdaang pumapalibot sa maliit na baryong iyon. Binaybay ang mga makikitid na pilapil. Minsan na ring nalubog ako sa hanggang tuhod na putik nang biglang napatapak ako sa isang malambot na pilapil. Nanguha rin kami ng mga lawe lawe na sya naming ipinapain sa pamamansing ng isda. Ewan ko ngunit hindi ako nandidiring hawakan ang mga bulateng iyon ng mga panahong iyon. Sa baryong iyon ko rin natutunan ang gumawa ng asin - mula sa pagpapatuyo ng palaisdaan, paglalatag ng mga tisa sa mga kwadra kwadradong pinatag na lupa, pagwawalis ng mga tisa, pagpapatubig sa mga tisang ito ng tubig dagat, pagkayod ng namuong asin sa mga tisa, paglalagay sa tiklis ng mga nakuhang asin at pag-iimbak ng mga ito sa kamalig. Inaabangan ko rin ang pagdaong ng gremarine at kasko na hahakot sa mga asin upang dalhin sa pamilihan.
Bagamat ito ang aking naging kabataan, di ko itinuturing na hindi ako naging masayang bata. Sa mura kong isipan, naging kasiyahan ko na ang mga bagay na sa tingin ng iba ay walang saysay. Sino bang bata ang maaaliw sa pagbibilang ng mga higad? Sinong bata ang kasiyahan na ang maglakad sa mga makikitid na pilapil sa ilalim ng nakasusunog na araw? Marahil, tila sa isang sanggol, naliligayan na ako sa mga bagay na aking nakikita. Hindi na mahalaga ang pamdama, amoy, lasa at tunog.
Gayunpaman, isang malungkot ang makita ang paglubog ng araw sa Late. Sa mga mahilig sa sunset, marahil ay napakagandang tanawin nito. Hindi ko alam, pero sa tuwing lumulubog ang araw sa Late ay nalulungkot ako. Siguro senyales na rin ito ng pagtatapos ng araw. Nakalipas ang maghapon ng walang pagbabago. Naroon pa rin ang mga higad, ang mga naipong water lily sa pagitan ng mga bakawan.
Linisan ko ang lugar na iyon ng magkahalong lungkot at saya. Malungkot dahil mawawalay ako sa lugar na nagmulat sa kin sa simpleng buhay. Masaya dahil may kutitap ang mga ilaw na pangako ng Maynila.
Lumipas ang panahon, napadako ako sa iba't ibang lugar at muli akong inihatid ng mga paa ko sa Late. Ibang iba na sya. May kuryente na, ang ilang mga bahay ay may refrigarator, TV, karaoke, dvd at component ngunit wala na ang asinan. Ang mga sanga ng nauubos ng mga api api at bakawan ay wala ng mga higad, napalitan na ng mga langaw. Ang mga mumunting tsinelas na inaanod nuon ay di na ganun karami, mas marami na ang mga bag bag ng basurang galing pa sa mga ilang lugar sa Maynila. At sa di kalayuan, tanaw mo ang crane na tila isang malaking halimaw na humahakot ng mga basurang itinatambak doon. Wala na ang kaskong ginagamit sa paghakot ng asin bagkus, malalaking barge na lulan ang basura ng mga karatig bayan ang syang pabalibalik sa kahabaan ng ilog na iyon.
Muli akong inabutan ng dapithapon sa Late. At tulad ng mga nakaraang pagkakataon, nalulungkot kong minasdan ang paglubog ng araw, wari ko'y kasabay nitong inililibing ang baryong minsan ko ring naging tahanan.
No comments:
Post a Comment