MARLON QUINTOS

stimulate your mind...
come and enter my world...

MARLON QUINTOS

13.6.08

Tatlong Tula

Bahay

Ako’y natutuwa’t
Tayo’y muling magkapiling
At ako’y handa
Mong yapusin
Ng ‘yong mga bisig.

Kung tutuusin
Kaya kang buwagin
Ng munti kong pitik
Sa ‘yong mga haligi;
Ngunit di ko gagawin
‘Pagkat nais kong madama
Ang aking pagkabilanggo
Sa seldang
Sa aki’y nagpalaya.

Ulam

Ako’y nagagalak
At ngayom tayo’y
Magkaharap
Habang ang ‘yong katawang
Sinlaki ng aking palasinsingan
Ay nakahiga sa lusang lata.

Kung tutuusin
Kaya kitang isubo
Nang minsan lang;
Ngunit nais kong
Parusahan ang aking sarili,
Nais kong namnamin
Ang alat na dulot
Ng ‘yong mapagparusang
Lasa.

Banig

Ako’y nagdiriwang
Sa ating pagniniig
Bigat ko at ng mundi
Sa ‘yong dibdib
Ay nakahilig.

Ngunit kung tutuusin
Kaya kong punitin
Ang ‘yong katawang
Pinalutong ng panahon;
Ngunit di ko hahayaan
‘Pagkat ika’y nangako
Na sa pagsapit ng dilim
Ako’y malugod
Mong ililibing.