MARLON QUINTOS

stimulate your mind...
come and enter my world...

MARLON QUINTOS

15.4.08

Sanib... Kulam...

"It's so nakakaeser na. It's always traffic na lang, I swear!. Why ba do they keep on doing rally? Sa Makati pa. Like we need na nga dollars because our economy is bagsak and parang they scare away pa the investors. Tapos si GMA, di man lang sumagot sa mga accusations sa kanya. It's really magula na here!"

Wari ko ba's sinasaniban ng kaluluwa ng isang conyong kolehiyala ang babaeng katapat ko sa upuan sa gawing likuran ng FX na patungong Mall of Asia. Kung tutuusin, kapag minasdan mo siya mula ulo hanggang paa, di mo aakalaing sa bibig niya lumalabas ang mga katagang iyon. Sa aking tantiya ay nasa late 30's na siya.

Muling umusad and FX. Muling nagsalita ang babae. Ganun pa rin ang litanya. Pakiramdam ko ay naglipana ang mga kaluluwa ng mga pumanaw na Assumptionista sa loob ng FX. Nakaramdam ako ng bahagyang pagkahilo. Mainit ang araw. Tumatagos sa loob ng FX. Maging ang aircon ng sasakyan ay di kayang pawiin ang init ng panahon.

Bigo ang aircon sa pagsugpo ng maalinsangang tanghali. Bigo rin ang babaeng kumbinsihin ang aking isip isa siya sa mga mamamayang nagmamahal sa ating bayan. Hindi sapat ang aircon. Hindi sapat ang salita. Hindi rin sapat ang lamig na dulot ng mga ligaw na kaluluwa ng mga kolehiyala.

Abot tanaw ko na ang Mall of Asia. Tila ba ito ay isang malaking barko na nakadaong sa bahaging iyon ng Look ng Maynila. Doon, pansamantala kong nalimot ang init sa labas, at ang babaeng hindi maawat sa pagbato ng mga nakayayamot na litanya. Napukaw ng mga makukulay na ilaw ang aking ulirat, habang tila mga batang paslit ang aking mga daliri habang patalon-talon ang mga ito sa mga hanger ng nakasabit na mga t-shirt. Lumipas ang ilang oras, kailanga ko nang lisanin ang artipisyal na mundong aking naging pansamantalang kanlungan.

Mainit pa rin sa labas. Tila tinutusok ng karayom ang aking balat sa tama ng sinag ng araw. Kinawayan ko ang isang magarang taxi. Huminto ito sa aking tapat - Wallis Taxi. Sabi sa isang tabloid, mandarambong daw ang mga drayber ng taxing ito. Pero di ko na iyon ininda. Di ko na kaya ang init.

Gaya ng dati, traffic sa EDSA. Ang drayber naman ay libang na libang sa pakikinig sa isang programa sa AM radio. Ang paksa ng usapan ay ang pagkakadawit ng mga opisyal ng gobyerno sa ZTE deal. Ang mga tumatawag sa istasyon ay may kani-kaniyang mungkahi kung papaano mapaparusahan ang mga sangkot sa maanumalyang kasunduang ito. Tatlo sa mga tumawag ang nagmungkahi ng solusyong ni mindan ay di naisip gawin ng Senado o ng Ombudsman

"Kulamin na lang natin ang mga lintek na yan!"

Napag-isip-isip ko, "Bakit hindi?"

"How would you make kulam the First Gentleman and Chairman Abalos?"

Sa kabutihang palad, meron akong kopya ng librong "Mga Panibagong Kulam" na hiniram ko sa isang kaeskwela nuong college. Ang aklat ay tungkol sa mga praktikal na mahika. Naglalaman ito ng mga orasyong maaari mong gawin sa bahay gamit ang mga pangkaraniwang bagay na matatagpuan din sa loob ng iyong bahay tulad ng dyaryo, sabong panlaba, at cotton buds. Ngunit nakadidismayang wala sa aklat na ito ang hinahanap ko. Lahat ng kulam ay makatao. Malayo sa iniisip kong kulam gaya ng "Paano buhayin ang bwaya sa loob ng tiyan ng kinaiinisan mo" o di naman kaya ay "Paano palubugin sa leeg ang ulo ng isang taong makasalanan." Ang pnakamalapit na dito ay ang may titulong "Para ihatid ang nasasaloob sa taong kinayayamutan."

Kailangan ko ng isang salamin, dilaw na kandila, puting sobre at platito. Ayos sa libro, kailangan ko raw gumawa ng isang altar. Maarang payak lamang o magarbo. Ginamit ko ang ibabaw ng kahong pnaglagyan ng 29" JVC Flat-Screen TV. Tinakpan ko iyon ng pulang tela. At ayon na rin sa aklat, kailangang lagyan ng "principal" o sentro ng altar at mga bagay na kumakatawan sa hangin, lupa, apoy at tubig.

"Ilagay ang salamin sa ibabaw ng altar. Nuksan ang puting sobre at ikalat ang puting asukal dito. Tapos ay pagulungin ang dilaw na kandila sa puting asukal. SIndihan ang kandila at patayuin sa platito. Ilagay ang nakasinding kandila sa harap ng salamin. Ipikit ang mga mata at payapain ang isip. Isipin ang taong nais hatiran ng mensahe. Idilat ang mga mata, isiping ang kandilang nasa iyong harapan ang taong kinayayamutan mo. Pakalmahin ang sarili. Masdan and repleksyon ng kandila sa salamin. Tapos ay sambitin ang mga katagang nais iparating sa taong iyon."

"P*&%^^$ nyo! Makunsensya kayo! Mga hayop! Walang puso!"

"Kung sa loob ng dalawampung minuto ay naging magalaw ang sindi ng kandila, ibig sabihin nito ay nakarating ang iyong mensahe sa kinauukulan at may nais din itong sabihin sa iyo. Kapag namatay ang sindi, message sending failed sabi nga ng Nokia cellphone."

Nakalipas ang dalawampung minuto, hinipan ko ang kandila. Pagod na ako sa kasinungalingan.