Limandaan walumpu't anim na libo at walumpung minuto.
Pilit kong binaliktad ang aking buhay - tulog habang tirik ang araw, kumakayod habang madilim ang mga lansangan. Minsan na lang masinagan ng araw ang namumutla kong mukha. Akmang akma raw sa pangarap ng karamihang pionoy na pumusyaw and balat gaya ng mga banyagang Kanluranin.
Kadalasan may bahid ng pagtatanong at malisya ang tingin sa akin ng aking kapitbahay na si Aling Cering sapagakat pumapasok ako sa trabaho pagkagat ng dilim. Hindi ko siya masisisi. Marahil ay di pa niya batid kung anong buhay mayroon ako - buhay na salungat sa buhay ng karamihan. Marahil ay di niya pa batid na araw araw ako ay naglalakbay patungo sa malamig na lugar upang makipagtagisan ng dila gamit ang wikang banyaga naman sa akin.
Hindi madali ang pagtahak ko sa buhay call center. Nang ibinalita ko ito sa aking mga kaibigan, isang mataginting na "no!!!" ang aking narinig. Sa aking pakiwari ay kasabay ng pagtutol na ito ang mga tambol at pompyang ng sandaang banda. Sa kanila, kasing kahulugan ng call center and isang sumpa. Mawawalan daw ako ng social life. Mahihirapan daw ang patpatin kong katawan sa mga pagbabago ng aking sistema. Hindi raw ako makakatulog ng sapat dahil mahirap matulog habang tirik ang araw. Malilipasan ng gutom dahil mas nanaisin ko pa raw ang matulog na lang kaysa kumain. Dahil dito, ako ay magkakasakit, manghihina at sa paglaon ay mawawalan din ng hanapbuhay. Masaklap na buhay - ito nag pilit nilang iginigiit. Ngunit iba ang takbo ng aking isip.
Itinuloy ko ang dikta ng aking utak. Call center ang sagot sa minimithi kong mas malaking sweldo. Hamak na mas malaki ang kikitain ko dito kaysa sa dati kong trabaho. At kung papalarin, halos doble ang kikitain ko kumpara sa dati kong sweldo king maiuuwin\ ko ang buwanang attendance bonus.
Ang mga unang araw ko sa call center ay di ganoon kadali. Sinikap kung ituwid and aking likod habang nakasandal sa upuang umiikot, kahit na nais na nitong humimlay sa malambot na higaan. Kusa mang pumipikit, pinilit kong imulat ang aking mga mata. Kulang na lang ay tukuran ko ang mga talukap nito upang hindi magsara. At pagkatapos ng trabaho, tila may sariling isp ang mga paa ko habang binabagtas nito ang lugar na aking tutulugan, at doon ay nag-uunahang lumapat sa kutson ang aking ulo, batok, likuran, hita at binti. Hindi rin magkamayaw sa pagpikit ang mga matang matagal nang naghihimagsik. Kapagdaka ay puputulin ng mainit na araw ang ginhawang dulot ng malambot na kutson. Pagsapit ng tanghali, ginigising ako ng init nitong tumatagos sa bubong at kisameng gawa sa hardiflex, tila ba kinukutya ng araw ang kapangyarihan ng aking bentilador. Ito na marahil ang umpisa ng sumpang tinutukoy nila.
Lumipas ang mga araw, mga araw na naging linggo, mga linggong naging buwan, at mga buwang naging taon. Ang bilis ng panahon. Di ko namamalayang bahagi na pala ng aking sistema ang sumpa ng mga unang araw ko sa call center - sumpang may hatid namang biyaya. Hindi lamang dahil doble ang kinikita ko kaysa sa pinsan kong ilang taon na ring accountant sa isang ng gobyerno. Higit pa doon.
Dahil sa call center, naging rest day ang tawag ko sa day off. Ang lunch naman ay pwede nang kainin sa hatinggabi o kaya sa madaling araw. Ewan ko kung positibo ito o hindi. Ang alam ko ay lumalawak aking bokabularyo. Tumatas din ang aking dila sa pagsasalita ng wikang Ingles. Kasindulas ng palos ang bigkas ko sa mga katagang "twenty", thirty" at "forty." Kung dati ay may tunog "t" sa mga salitang nabanggit, ngayon tila milagrong naglaho ito - naging "twenny" "thirry" and "forry" na lamang. At kung dati ay "Hello" lang alam kong pambati tuwing sumasagot ng telepono, ngayon ay marami na akong alternatibo gaya ng "Thank you for calling, my name is..." at "Hi, my name is Genie, your wish is my command."
Sabi ng iba, nakakabobo daw ang pagiging call center agent. Taliwas ito sa aking naging karanasan. Ang hilig ko sa math ay naipamalas ko sa pag-aanalisa at pagkwenta ng mga bills ng customer. Gumagana rin and hilig ko sa paggawa ng kwento habang pilit kong ipanagtatagni-tagni ang mga pangyayari ayon na rin sa kwento ng customer at sa mga masasalimuot na notes sa kanilang account. Pinangarap ko rin dating maging psychologist at sa call center ko ito naisakatuparan - habang pilit na pinapakalma ang mga nagwawalang customer.
Ngunit hindi lamang paglinang sa mga kakayahang ito ang dulot ng call center sa akin. Higit pa sa mga ito ay ang mga taong araw araw kong nakakasalamuha. Ilang pangalan na ba ang naglabas masok sa aking isip? Ilang mukha na ba ang nakasanayan ng titigan ng aking mga mata? Ilan amoy na ba na sa tuwing natatanto ng aking ilong ay may pangalan ng kaakibat? Dito ko natagpuan ang lahat ng klase ng tao - mga taong kamumuhian at hahangaan, kagigiliwan at kaiinisan, malinis at marumi, malaki at maliit, maputi at maitim, malaki ang mata at singkit, sarat ang ilong at matangos, mabango at mabaho - iba't ibang anyo, iba't ibang kulay, iba't ibang paraan ng pakikisalamuha. Karamihan sa kanila'y nananatiling mga estranghero. Ang iba naman ay naging kakilala. At ang ilan ay naging kaibigan. Ngunit silang lahat ay bahagi na ng aking pagkatao. Ng aking buhay.
Limandaan walumpu't anim na libo at walumpung minuto. At patuloy pang nadaragdagan.